Wednesday, October 5, 2011

Pagkagising sa umaga.. Hay.

*Ako si Aida. Isa akong biyuda, labandera at ina ng siyam na anak. Kasalukuyan akong nagsisikap na ibangon sa hirap ang aking pamilya. *

Hay.
Panibagong araw na naman. Pero bakit ganun, parang wala namang bago?
Ganoon pa rin ang aming bahay, gawa sa mga pinagtagpi-tagping mga yero't kahoy at walang kailaw-ilaw. Ganoon pa rin ang kama namin ng aking asawa (Panginoon mamayapa na sana siya sa Inyong piling), parang semento sa tigas at tila papel naman sa nipis. At ganoon pa rin ang laki ng aming bahay, kulang na lang magiba ito sa dami ng tao.
Hay.
Bakit ba kasi nanganak ako ng madami? Yan tuloy, siyam na bibig ang di ko mapakain. Anim na bata ang di ko mapag-aral, ang tatlo'y (salamat sa Diyos!) nakakaya ko pa naman pag-aralin. Siyam na bata ang kailangan ko patulugin. Siyam na bata ang kailangan ko bigyan ng pag-asa. At siyam na bata ang di ko mapagtuunan ng nararapat na pansin dahil sa hirap ng buhay. SIYAM. (Buti nga siyam lang eh. Yung kumare ko maglalabing-tatlo na anak niya.)
Hay.
Napakahirap talaga ng buhay.
Kailangan kong kumayod ng kumayod hangga't sa mabali na ang aking mga buto para lang kumita ng apat na raang piso sa isang linggo. Kulang na lang eh, hatiin ko katawan ko sa tatlo para trumiple din ang sahod ko mula sa paglalabandera para naman kahit papaano eh magkasya na ang pagkain namin sa isang buong araw. Para naman kahit papaano rin eh mabilhan ko sila ng mga bagong damit. Nagmumukha na kasing basahan damit ng mga anak ko, pwede na silang gawing pamunas ng mga mayayaman.
Hay.
Mga mayayaman, sana isa ako sa kanila. Sana may kotse rin ako para di na nakakapagod maglakad ng tatlong kilometro mula sa bahay namin hanggang sa pinagtatrabahuhan ko. Sana may malaking bahay din kami ng aking mga anak para naman makahinga't makagalaw kami ng maayos habang nasa bahay. Sana may selpon din ako at ang mga anak ko para madali kaming magkausap kahit na ako'y naglalaba. At sana marami rin kaming pera para mabili namin lahat ng kailangan namin at lahat ng gusto namin ng mga anak ko!
Naku, kung magkatotoo lahat ito, siguradong matutuwa ang mga anak ko, at masisiyahan na rin ako.
Hay.
Kaso imposible naman magkatotoo ang mga iyan eh.
Hanggang pangarap lang naman maaabot namin eh.
....
Buti na lang masarap mangarap.
....
....
....Pero hindi pala masarap mabuhay.

Panginoon ko, hanggang kailan ba kami mamumuhay ng ganito? Kailan kaya kami aahon sa hirap? Kailan ba namin matitikman ang matatamis naming pangarap?

Olivia Jan Louville D. Demetria IV-6  

No comments:

Post a Comment