Tuesday, October 4, 2011

Bagong Henerasyon.

Hindi mapagkakaila na malaki na ang ipinagbago ng aming henerasyon kumpara sa henerasyon ng aming mga magulang. Sinasabi ng iba na kami raw ang may kasalanan sa pagkasira ng mundo, o kaya naman, kami raw ang ugat ng mga mabibigat na suliranin sa lipunan. Marami ring nagsasabi na hindi raw namin binibigyang hustisya ang mga sinabi ni Rizal na "Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan". Nalaman ko ito sa mga balita, sa pagbasa ng mga blog, pati na rin sa pagsermon ng aking mga magulang sa akin. Sa katotohanan, dahil sa kadalasan nilang pagsabi ng "Alam mo, nung bata pa kami, hindi naman kami ganyan... Ginagawa namin 'yan pero hindi katulad ng paggawa niyo!", e naisaulo ko na ang kanilang dayalogong iyon.

Kamakailan lamang, e napagdiskusyunan namin sa aming klase sa Ingles ang iba't -ibang klase ng pag-ibig. At siyempre, isa na rito ang pag-ibig sa pamilya, at pag-ibig sa magulang. Sa diskusyong iyon, naibahagi ng isa kong kaklase ang isang kasabihan na nagsasabi na kung ano kami (ang kabataan ng kasalukuyan), ay dahil sa pagpapalaki at pagaalaga ng henerasyon ng aming mga magulang. Kumbaga, isinaad sa kasabihang iyon na ang aming mga magulang ang siyang may kasalanan kung bakit kami ganito kumilos, at kung bakit kami ganito mag-isip.Parang sinabi na rin doon na ang aming mga pagkakamali ay nagmula sa pagpapalaki sa amin ng mga magulang namin.

Nang nasambit ng aking kaklase ang katagang iyon, noong una, ay sumangayon ako sakanya. Naisip ko kasi na tama ang ideyang iyon. Hindi naman siguro na magiging kami kung sino kami ngayon kung hindi dahil sa mga nagturo saamin, hindi ba? Sila naman kasi iyong mga nagturo samin ng mga bagay bagay. Sinabi rin naman ng guro namin sa Ingles na may punto naman talaga ang ideyang iyon. Pero, alam niyo ba, noong makalipas na ang diskusyong iyon sa Ingles, e, parang nag-iba ang palagay ko sa ideyang iyon. Kung ating titignan kasi ng masmaigi, e, may bahagi rin naman kami sa mga nangyari sa mga pagkakamali nila.Naisip ko na hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ay ang aming mga magulang ang dapat sisihin sa mga pagkakamali namin. Samakatwid, e, patas lang kami.

Masyadong nagambala ang pag-iisip ko ng ideyang iyon. Hanggang sa ngayon, naiisip ko parin iyon. Patuloy akong nakikipagdebate sa isipan ko ukol sa ideyang iyon. Pero, hindi ko na maidedetalye ang kwento ng debate sa aking isipan. Kaya, ngayon, kayo ang aking tatanungin, sa tingin ninyo, sinong henerasyon nga ba ang dapat na masmanagot sa nangyari sa bagong henerasyon? Ang masmatanda, o ang masbata?

Janna Angeline de Jesus (IV -6) 

No comments:

Post a Comment