Sunday, October 16, 2011

Aking pananaw

by : catherine parugao
Ang buhay ngayon mga tao ay sumisikap para sa kanilang kinabukasan at ako ay isa doon ako si Maya ngunit ako ay isang estudyante lamang na sumisikap sa kaya kong gawin lamang. Dati nung bata ako papabayaan lang nila ako mag laro sa labas ng bahay pero ngayon nung tumanda na ako hindi na naging simple. Parang ang saya pa ng panahon ko dati nung bata ako Masaya tapos wala pang pinopoblema. Ang buhay ng estudyante ngayon gigising ka nang umaga, kakain ng almusal, papaluto ng baon, hintayin ang “Morning Sermon” ng magulang tapos diretsyo sa eskwelahan. Pag nakauwi pahirapan sa pag aaral ngunit bilang estudyante kailangan ng determinasyon at responsibilidad. Kaya’t dapat tapusin ang nasimulan kahit mahirap mga kailangan gawin tutulungan ako ng mga taong gusting tumulong sayo. Buti nalang pamilya ko sinusupporta ako kung kailangan ko talaga sila. Handa ako sa lahat pero koonti nalang mga handa sa kabataan natin dahil may mga kabataan na tamad na tamad walang katungkulan sa ginagawa o may mga matatanda puro away o mga magulang hindi sumisikap para sa kanilang buhay para sa pamilya. Sinasabi ko nap o ngayon madaming isyu at poblema an gating mundo ngunit umaasa pa ako na magkakaroon ng malaking pagbabago baling araw. Tunay Pilipino sa puso at damdamin.

Thursday, October 6, 2011

Ang Buhay ng Isang Mag-aaral

Magsisimula ako sa pamamagitan ng mga tanong… Sa tingin niyo, ano kaya ang naging buhay ng mga mag-aaral sa taong 2012? Madali ba o mahirap ang buhay nila? Nakaktulog pa ba ang mga mag-aaral noon? Ano nga ba ang buhay nila sa panahong iyon?

Iyan ang kwento na ibabatid ko sa mga mambabasa ngayon. Ang kwento ng isang mag-aaral - ang mga nangyayari sa buhay ng isang estudyante. Ang buhay ko.

Sa tuwing umagang may pasok, nagigising ako nang alas-sinko. Pagkatapos nito ay magmamadali akong maghilamos, mag-ayos, at maligo. Bakit? Ang school bus ay nakakarating sa bahay apatnapung minuto pagkatapos akong magising. Hay nako, ito nanaman. Nandiyan nanaman ang school bus, hindi pa ako tapos ilagay ang sapatos ko. Hindi pa nga akong nakakain ng almusal. Ang gagawin ko? Aalis ng bahay, na may dalang almusal. Kinakain ko sa school bus. Wala pa namang masyadong tao sa bus sa panahong iyon eh, eh de gagawin ko ang gusto ko at kakainin ko ang aking pagkain :))

Pagkatapos kong kainin ang almusal ko, tutulog ako sa school bus. Bakit? Kasi naman, sa gabi bago ang araw na iyon, nakatulog nanaman ako nang malapit na alas-dose. Sa sobrang daming takdang-aralin na dapat tapusin, halos wala na akong tulog minsan. Kung kaya't, natutulog na lang ako sa school bus kung kailan kaya…at kung hindi maingay ang mga busmates ko.

Nang makarating ako sa paaralan, parang ang haba-haba pa nang oras. Minsa'y gusto ko nang mag-simula para makatapos nang maigi. Minsa'y gusto ko nang mag-simula dahil ayoko nang hintayin ang pagsusulit na mangyayari. Pero minsan, gusto ko nang mag-simula na tayo kaagad kasi gusto ko ang mga aralin na gagawin namin. Minsan din, so sobrang kabilisan ng oras, hindi ko aakalaing tapos na pala ang araw. Kung susulatin ko pa ang mga dinaramdam ko araw-araw sa paaralan, baka maging sobrang mahaba pa ang aking sasabihin XD

Madaming emosyon ang nararamdaman ko sa paaralan. Natatakot at nasasaya, natutuwa at nalulungkot. Talagang kakaiba ang pwedeng mangyari sa loob ng paaralan. Pero kahit ano ang mangyayari, nakakatulong pa rin ito sa kabutihan ng isang tao. Paano? Sa pamamagitan ng mga araling itinatalakay, nalalaman natin ang mga pwedeng mangyari sa ating mundo. Sa pamamagitan ng pag-aaral, nahahanda tayo sa mga iba’t ibang aspeto ng buhay. Kaso nga lang, minsa’y parang walang kwenta ang mga inaaral natin. Pero kahit ganyan, nakakatulong pa rin ito para makakaroon tayo ng kamalayan sa ating mundo at sa mga nangyayari rito.

Sa tingin ko, Masaya rin ang pag-aaral dahil sa mga kaibigan at kaklase na nandiyan para sa akin. Gusto ko talagang makasama sila dahil kahit anong mangyayari, lagi silang handang makatulong sa akin. Lagi nilang nagpapatuwa ako. Lagi silang nakaktulong sa king maging mas mabuting tao. At ang pinakamahalaga, lagi silang nandiyan para maging isang kaibigang pwede kong kausapin.

Kahit na mahirap manatiling gising hanggang sa sobrang gabi na, ginagawa ko pa rin ito para matapos ang mga takdang-aralin. Dahil sa susunod na araw, makikita ko uli ang mga kaibigan,kaklase, at mga guro ko. At dahil sa pagiging isang mabuting mag-aaral, nagiging mas Masaya pa ang magulang ko sa akin (:

~Charmagne Chandrah G. Adonis IV - 6 CN 2

Bisaya Una, Ingles Ikalawa, Filipino Huli

ni Yohannah V. Bautista (IV - 6)

Kapag nagsasalita ang isang tao sa 'yo gamit ng wikang Ingles, masmaganda kung magsasalita ka rin (sa kanya) gamit ng Ingles. Kapag nagsasalita ka sa isang tao gamit ng wikang Filipino, masmaganda kung magsasalita ang tao (na 'yan) sa iyo gamit ng wikang Filipino.

Isang araw, pumunta ang pamilya ko sa isang S.M Mall na nasa lungsod ng Davao (Davao ba? 'Di ko maalala). Nang naghanap na ang aking mga magulang at aking tita at tito ng isang puwesto sa isang maliit na cafe at bumili ng kape at tsaa, sinabi ko kay Mommy na gusto ko bumili ng pagkain. Bumigay siya ng 100 pesos sakin at sinabi niya na mag-ikot ako sa mall at maghanap ng pagkain.

Nag-ikot nga ako. May nakita akong isang Potato Corner at pumunta ako doon. May pila, ang mga mamimili at tindero ay nagsasalita ng Bisaya. Bigla akong kinabahan, dahil kahit naiintidihan ko ang dialektong Bisaya hindi ko kaya magsalita ng Bisaya. Paano na 'yan? Paano ko magsalita sa harap ng tindero? Naalala ko sa mga tindahan o restawran sa Maynila at Pasig, at sa kantina ng aking paaralan, na ang mga tindero ay nagsasalita ng Filipino kapag ang mga bumibili ay nagsasalita ng Filipino, at nagsasalita naman sila ng Ingles kapag ang mga bumibili ay nagsasalita ng Ingles. Palagi naman ako nagsasalita ng Filipino o Taglish sa mga tindero kapag gusto ko bumili ng isang bagay.

Nag-isip ako: Pilipino siya. Pilipino ako. Nasa Pilipinas tayo. Ang ginagamit na wika ng mga Pinoy sa Pilipinas ay (dapat) Filipino.

... KAYAAAA~... nagsalita ako gamit ng wikang Filipino.

"Kuya, magkano po 'to?"

"That one is 35 (kunwari na 35, nakalimutan ko na ano yung eksakto na halaga ng fries) pesos."

Ene rew? .__________.

... Suddenly. o______O

Nag-Ingles yung tindero. Hindi Taglish o... Bisaya-lish (HA. Ano yan?! =)) ), kundi Ingles. =___________________________=;;;

Kakaiba 'yan a.

Halata naman na naintindihan niya naman ako (kung hindi, paano siya sumagot sakin?), ngunit bakit hindi siya sumagot gamit ng Filipino? Ay, basta. Kahit na, magsasalita ako ng Filipino.

Nag-Filipino ako sa tindero, at ang tindero naman ay nag-Ingles sakin.Bumili ako ng large cheesy fries.

Bakit siya hindi nagsasalita ng Filipino? Nagsasalita siya ng Bisaya, at marunong siya mag-Ingles ngunit kapag ako'y nagtatanong sa kanya gamit ng aming pambansang wika ay sasagutin niya ako gamit ng ibang wika? Hindi ba siya marunong magsalita ng Filipino? Nahihiya ba siya? Ayaw niya talaga?

Naalala ko dati na nasa Iligan ako, sinabi ng tito ko (sa Bisaya) sakin:

"Yohannah, magsalita ka ng Bisaya habang nandito ka."

"I don't know how." Sagot ko.

"Mag-Ingles nalang siya." Sabi ng isa kong tita. Nagulat ako diyan sa sinabi niya.

"Ba't 'di nalang Filipino?" Tanong ko.

Dahil daw nandito ako, kung hindi ako marunong mag-Bisaya, e 'di mag-Ingles nalang ako. Bawal Tagalog o Filipino.

... huh.

Kakaiba 'yan a.

Wednesday, October 5, 2011

Pagkagising sa umaga.. Hay.

*Ako si Aida. Isa akong biyuda, labandera at ina ng siyam na anak. Kasalukuyan akong nagsisikap na ibangon sa hirap ang aking pamilya. *

Hay.
Panibagong araw na naman. Pero bakit ganun, parang wala namang bago?
Ganoon pa rin ang aming bahay, gawa sa mga pinagtagpi-tagping mga yero't kahoy at walang kailaw-ilaw. Ganoon pa rin ang kama namin ng aking asawa (Panginoon mamayapa na sana siya sa Inyong piling), parang semento sa tigas at tila papel naman sa nipis. At ganoon pa rin ang laki ng aming bahay, kulang na lang magiba ito sa dami ng tao.
Hay.
Bakit ba kasi nanganak ako ng madami? Yan tuloy, siyam na bibig ang di ko mapakain. Anim na bata ang di ko mapag-aral, ang tatlo'y (salamat sa Diyos!) nakakaya ko pa naman pag-aralin. Siyam na bata ang kailangan ko patulugin. Siyam na bata ang kailangan ko bigyan ng pag-asa. At siyam na bata ang di ko mapagtuunan ng nararapat na pansin dahil sa hirap ng buhay. SIYAM. (Buti nga siyam lang eh. Yung kumare ko maglalabing-tatlo na anak niya.)
Hay.
Napakahirap talaga ng buhay.
Kailangan kong kumayod ng kumayod hangga't sa mabali na ang aking mga buto para lang kumita ng apat na raang piso sa isang linggo. Kulang na lang eh, hatiin ko katawan ko sa tatlo para trumiple din ang sahod ko mula sa paglalabandera para naman kahit papaano eh magkasya na ang pagkain namin sa isang buong araw. Para naman kahit papaano rin eh mabilhan ko sila ng mga bagong damit. Nagmumukha na kasing basahan damit ng mga anak ko, pwede na silang gawing pamunas ng mga mayayaman.
Hay.
Mga mayayaman, sana isa ako sa kanila. Sana may kotse rin ako para di na nakakapagod maglakad ng tatlong kilometro mula sa bahay namin hanggang sa pinagtatrabahuhan ko. Sana may malaking bahay din kami ng aking mga anak para naman makahinga't makagalaw kami ng maayos habang nasa bahay. Sana may selpon din ako at ang mga anak ko para madali kaming magkausap kahit na ako'y naglalaba. At sana marami rin kaming pera para mabili namin lahat ng kailangan namin at lahat ng gusto namin ng mga anak ko!
Naku, kung magkatotoo lahat ito, siguradong matutuwa ang mga anak ko, at masisiyahan na rin ako.
Hay.
Kaso imposible naman magkatotoo ang mga iyan eh.
Hanggang pangarap lang naman maaabot namin eh.
....
Buti na lang masarap mangarap.
....
....
....Pero hindi pala masarap mabuhay.

Panginoon ko, hanggang kailan ba kami mamumuhay ng ganito? Kailan kaya kami aahon sa hirap? Kailan ba namin matitikman ang matatamis naming pangarap?

Olivia Jan Louville D. Demetria IV-6  

Tuesday, October 4, 2011

Bagong Henerasyon.

Hindi mapagkakaila na malaki na ang ipinagbago ng aming henerasyon kumpara sa henerasyon ng aming mga magulang. Sinasabi ng iba na kami raw ang may kasalanan sa pagkasira ng mundo, o kaya naman, kami raw ang ugat ng mga mabibigat na suliranin sa lipunan. Marami ring nagsasabi na hindi raw namin binibigyang hustisya ang mga sinabi ni Rizal na "Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan". Nalaman ko ito sa mga balita, sa pagbasa ng mga blog, pati na rin sa pagsermon ng aking mga magulang sa akin. Sa katotohanan, dahil sa kadalasan nilang pagsabi ng "Alam mo, nung bata pa kami, hindi naman kami ganyan... Ginagawa namin 'yan pero hindi katulad ng paggawa niyo!", e naisaulo ko na ang kanilang dayalogong iyon.

Kamakailan lamang, e napagdiskusyunan namin sa aming klase sa Ingles ang iba't -ibang klase ng pag-ibig. At siyempre, isa na rito ang pag-ibig sa pamilya, at pag-ibig sa magulang. Sa diskusyong iyon, naibahagi ng isa kong kaklase ang isang kasabihan na nagsasabi na kung ano kami (ang kabataan ng kasalukuyan), ay dahil sa pagpapalaki at pagaalaga ng henerasyon ng aming mga magulang. Kumbaga, isinaad sa kasabihang iyon na ang aming mga magulang ang siyang may kasalanan kung bakit kami ganito kumilos, at kung bakit kami ganito mag-isip.Parang sinabi na rin doon na ang aming mga pagkakamali ay nagmula sa pagpapalaki sa amin ng mga magulang namin.

Nang nasambit ng aking kaklase ang katagang iyon, noong una, ay sumangayon ako sakanya. Naisip ko kasi na tama ang ideyang iyon. Hindi naman siguro na magiging kami kung sino kami ngayon kung hindi dahil sa mga nagturo saamin, hindi ba? Sila naman kasi iyong mga nagturo samin ng mga bagay bagay. Sinabi rin naman ng guro namin sa Ingles na may punto naman talaga ang ideyang iyon. Pero, alam niyo ba, noong makalipas na ang diskusyong iyon sa Ingles, e, parang nag-iba ang palagay ko sa ideyang iyon. Kung ating titignan kasi ng masmaigi, e, may bahagi rin naman kami sa mga nangyari sa mga pagkakamali nila.Naisip ko na hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ay ang aming mga magulang ang dapat sisihin sa mga pagkakamali namin. Samakatwid, e, patas lang kami.

Masyadong nagambala ang pag-iisip ko ng ideyang iyon. Hanggang sa ngayon, naiisip ko parin iyon. Patuloy akong nakikipagdebate sa isipan ko ukol sa ideyang iyon. Pero, hindi ko na maidedetalye ang kwento ng debate sa aking isipan. Kaya, ngayon, kayo ang aking tatanungin, sa tingin ninyo, sinong henerasyon nga ba ang dapat na masmanagot sa nangyari sa bagong henerasyon? Ang masmatanda, o ang masbata?

Janna Angeline de Jesus (IV -6) 

Monday, October 3, 2011

Ang Katotohanan sa Akin, Hindi Ako Nahihiyang Sabihin


ni Lara Pamela H. Pomer

Lahat tayo'y dumaraan sa pagsubok at mga problema na maaring magdulot sa'tin ng iba't ibang karanasan, kakayahan at minsan rin namay kahinaan. Ang mga pangyayaring tulad nito na dulot ng ating mga pagkakamali o minsan ay ang katotohanan na umiikot sa mundo na walang madali, ay  nagpapalakas sa atin dahil ating napapagtanto na hindi maling magkamali kailanman. Karugtong nito ay ang nag-iisang taong hindi tayo kailanman pababayaan sa ating pagkakadapa.

Ako, bilang isang taong nabubuhay na ng mahigit labing-anim na taon, ay marami naring naging karanasan na magsasalamin sa kung ano ako ngayon. Madalas, nararamdaman kong malapit narin akong sumuko at mawalan ng lakas ng loob dahil sa sakit, hirap at kaguluhang dinudulot ng mga problemang nakikisabay sa pag-ikot ng aking buhay na hindi ko na kinakayang panghawakan dahil sa sobrang bigat at komplikado nito. Ngunit, aking naiisip na, mabuti rin namang may dumating na pagsubok sa akin. Maari kong makita ang mga kahinaan at kalakasan ko, na nagdudulot ng aking pagpapatuloy ng pananalig sa Panginoon at magkaroon pa ng mas malalim na pananampalataya sa Kanya. Kung ating iisipin, minsa'y ang labong pakinggan dahil nagagawa ko pang magpasalamat sa Panginoon dahil binibigyan Niya ako ng pagsubok na magbibigay ng malaking realisasyon sa akin at sa aking buhay. Madalas kong sinasabi sa aking sarili na "walang pagsubok na binibigay ang Panginoon na hindi ko kayang lampasan at lutasin dahil alam Niya ang aking kakayahan at kahinaan. Hindi Niya ako pababayaan".

Kung magkamali man ako, walang masama. Mas pinabubuti Niya ako dahill gamit ang mga pagkakamaling ito, natututo akong bumangon sa sarili kong paa. Magpagpag ng buhanging dumikit sa aking tuhid dulot ng pagkakadapa at ipakitang "Okay lang ako. Kaya ko pa". Sa lahat ng aking pagkakamali, natututo ako at nagkakaroon ng leksyon na magpapabuti kung sino ako at kung ano ang mga dapat gawin ko bilang isang taong may malalim na pananampalataya sa Panginoon. Walang taong hindi nagkakamali at walang aalinlangan kong inaaming isa ako doon.



Lara Pomer 09/03/11 11:11 PM

...

DRAFT: (ANIKKA ESPIRITU)
Sa panahon ngayon, ang mga kabataan ay hindi na gaano kagalang-galang katulad noon. Kapansin-pansin na ngayon ang mga kabataan ay binabalewala na lang ang kanilang mga magulang, dati rati'y bago umalis ng bahay ay magpapaalam ito kasama ang detalye kung saan pupunta at anong oras uuwi. Mayroon pa ngang tinatawag na "curfew" at dito binabase kung anong oras ka dapat nasa bahay na. Dati rati'y rin ay bago dumating ay diretso agad sa kanilang mga magulang, lolo't lola at iba pang kamaganak para magbeso lalo't lalo na kung may importanteng pagpupulong na magaganap. Ito ay isang simbolo ng pag-galang at pagrespeto sa nakakatanda. Sa kasalukuyang panahon ang mga kabataan ay nawawalan na ng respeto sa nakakatanda, hindi na nagpapaalam umaalis na lang, hindi umuuwi ng oras na isinabi ng magulang at higit pa doon paminsan ay nagdadabog at nagagawa pang lumayas ng walang paalam ang mga kabataan. Hindi natin masisiyasat ng isa isa kung bakit ganoon ang nangyayari ngayon ngunit isa sa mga rason ng epekto nito ay ang pagkabago ng teknolohiya at ekonomiya ng buong mundo. Masasabi natin na nawawala na o tuluyan na nabubura ng dahan-dahan ang mga nakaraan na ugali at kagawian. Hindi rin naman ako nagsasalita ng tapos sapagkat may pagasa pa ang ating kinabukasan, laging may maganda pang hinaharap ang ating natatanaw sa huli.