Sunday, October 16, 2011

Aking pananaw

by : catherine parugao
Ang buhay ngayon mga tao ay sumisikap para sa kanilang kinabukasan at ako ay isa doon ako si Maya ngunit ako ay isang estudyante lamang na sumisikap sa kaya kong gawin lamang. Dati nung bata ako papabayaan lang nila ako mag laro sa labas ng bahay pero ngayon nung tumanda na ako hindi na naging simple. Parang ang saya pa ng panahon ko dati nung bata ako Masaya tapos wala pang pinopoblema. Ang buhay ng estudyante ngayon gigising ka nang umaga, kakain ng almusal, papaluto ng baon, hintayin ang “Morning Sermon” ng magulang tapos diretsyo sa eskwelahan. Pag nakauwi pahirapan sa pag aaral ngunit bilang estudyante kailangan ng determinasyon at responsibilidad. Kaya’t dapat tapusin ang nasimulan kahit mahirap mga kailangan gawin tutulungan ako ng mga taong gusting tumulong sayo. Buti nalang pamilya ko sinusupporta ako kung kailangan ko talaga sila. Handa ako sa lahat pero koonti nalang mga handa sa kabataan natin dahil may mga kabataan na tamad na tamad walang katungkulan sa ginagawa o may mga matatanda puro away o mga magulang hindi sumisikap para sa kanilang buhay para sa pamilya. Sinasabi ko nap o ngayon madaming isyu at poblema an gating mundo ngunit umaasa pa ako na magkakaroon ng malaking pagbabago baling araw. Tunay Pilipino sa puso at damdamin.

Thursday, October 6, 2011

Ang Buhay ng Isang Mag-aaral

Magsisimula ako sa pamamagitan ng mga tanong… Sa tingin niyo, ano kaya ang naging buhay ng mga mag-aaral sa taong 2012? Madali ba o mahirap ang buhay nila? Nakaktulog pa ba ang mga mag-aaral noon? Ano nga ba ang buhay nila sa panahong iyon?

Iyan ang kwento na ibabatid ko sa mga mambabasa ngayon. Ang kwento ng isang mag-aaral - ang mga nangyayari sa buhay ng isang estudyante. Ang buhay ko.

Sa tuwing umagang may pasok, nagigising ako nang alas-sinko. Pagkatapos nito ay magmamadali akong maghilamos, mag-ayos, at maligo. Bakit? Ang school bus ay nakakarating sa bahay apatnapung minuto pagkatapos akong magising. Hay nako, ito nanaman. Nandiyan nanaman ang school bus, hindi pa ako tapos ilagay ang sapatos ko. Hindi pa nga akong nakakain ng almusal. Ang gagawin ko? Aalis ng bahay, na may dalang almusal. Kinakain ko sa school bus. Wala pa namang masyadong tao sa bus sa panahong iyon eh, eh de gagawin ko ang gusto ko at kakainin ko ang aking pagkain :))

Pagkatapos kong kainin ang almusal ko, tutulog ako sa school bus. Bakit? Kasi naman, sa gabi bago ang araw na iyon, nakatulog nanaman ako nang malapit na alas-dose. Sa sobrang daming takdang-aralin na dapat tapusin, halos wala na akong tulog minsan. Kung kaya't, natutulog na lang ako sa school bus kung kailan kaya…at kung hindi maingay ang mga busmates ko.

Nang makarating ako sa paaralan, parang ang haba-haba pa nang oras. Minsa'y gusto ko nang mag-simula para makatapos nang maigi. Minsa'y gusto ko nang mag-simula dahil ayoko nang hintayin ang pagsusulit na mangyayari. Pero minsan, gusto ko nang mag-simula na tayo kaagad kasi gusto ko ang mga aralin na gagawin namin. Minsan din, so sobrang kabilisan ng oras, hindi ko aakalaing tapos na pala ang araw. Kung susulatin ko pa ang mga dinaramdam ko araw-araw sa paaralan, baka maging sobrang mahaba pa ang aking sasabihin XD

Madaming emosyon ang nararamdaman ko sa paaralan. Natatakot at nasasaya, natutuwa at nalulungkot. Talagang kakaiba ang pwedeng mangyari sa loob ng paaralan. Pero kahit ano ang mangyayari, nakakatulong pa rin ito sa kabutihan ng isang tao. Paano? Sa pamamagitan ng mga araling itinatalakay, nalalaman natin ang mga pwedeng mangyari sa ating mundo. Sa pamamagitan ng pag-aaral, nahahanda tayo sa mga iba’t ibang aspeto ng buhay. Kaso nga lang, minsa’y parang walang kwenta ang mga inaaral natin. Pero kahit ganyan, nakakatulong pa rin ito para makakaroon tayo ng kamalayan sa ating mundo at sa mga nangyayari rito.

Sa tingin ko, Masaya rin ang pag-aaral dahil sa mga kaibigan at kaklase na nandiyan para sa akin. Gusto ko talagang makasama sila dahil kahit anong mangyayari, lagi silang handang makatulong sa akin. Lagi nilang nagpapatuwa ako. Lagi silang nakaktulong sa king maging mas mabuting tao. At ang pinakamahalaga, lagi silang nandiyan para maging isang kaibigang pwede kong kausapin.

Kahit na mahirap manatiling gising hanggang sa sobrang gabi na, ginagawa ko pa rin ito para matapos ang mga takdang-aralin. Dahil sa susunod na araw, makikita ko uli ang mga kaibigan,kaklase, at mga guro ko. At dahil sa pagiging isang mabuting mag-aaral, nagiging mas Masaya pa ang magulang ko sa akin (:

~Charmagne Chandrah G. Adonis IV - 6 CN 2

Bisaya Una, Ingles Ikalawa, Filipino Huli

ni Yohannah V. Bautista (IV - 6)

Kapag nagsasalita ang isang tao sa 'yo gamit ng wikang Ingles, masmaganda kung magsasalita ka rin (sa kanya) gamit ng Ingles. Kapag nagsasalita ka sa isang tao gamit ng wikang Filipino, masmaganda kung magsasalita ang tao (na 'yan) sa iyo gamit ng wikang Filipino.

Isang araw, pumunta ang pamilya ko sa isang S.M Mall na nasa lungsod ng Davao (Davao ba? 'Di ko maalala). Nang naghanap na ang aking mga magulang at aking tita at tito ng isang puwesto sa isang maliit na cafe at bumili ng kape at tsaa, sinabi ko kay Mommy na gusto ko bumili ng pagkain. Bumigay siya ng 100 pesos sakin at sinabi niya na mag-ikot ako sa mall at maghanap ng pagkain.

Nag-ikot nga ako. May nakita akong isang Potato Corner at pumunta ako doon. May pila, ang mga mamimili at tindero ay nagsasalita ng Bisaya. Bigla akong kinabahan, dahil kahit naiintidihan ko ang dialektong Bisaya hindi ko kaya magsalita ng Bisaya. Paano na 'yan? Paano ko magsalita sa harap ng tindero? Naalala ko sa mga tindahan o restawran sa Maynila at Pasig, at sa kantina ng aking paaralan, na ang mga tindero ay nagsasalita ng Filipino kapag ang mga bumibili ay nagsasalita ng Filipino, at nagsasalita naman sila ng Ingles kapag ang mga bumibili ay nagsasalita ng Ingles. Palagi naman ako nagsasalita ng Filipino o Taglish sa mga tindero kapag gusto ko bumili ng isang bagay.

Nag-isip ako: Pilipino siya. Pilipino ako. Nasa Pilipinas tayo. Ang ginagamit na wika ng mga Pinoy sa Pilipinas ay (dapat) Filipino.

... KAYAAAA~... nagsalita ako gamit ng wikang Filipino.

"Kuya, magkano po 'to?"

"That one is 35 (kunwari na 35, nakalimutan ko na ano yung eksakto na halaga ng fries) pesos."

Ene rew? .__________.

... Suddenly. o______O

Nag-Ingles yung tindero. Hindi Taglish o... Bisaya-lish (HA. Ano yan?! =)) ), kundi Ingles. =___________________________=;;;

Kakaiba 'yan a.

Halata naman na naintindihan niya naman ako (kung hindi, paano siya sumagot sakin?), ngunit bakit hindi siya sumagot gamit ng Filipino? Ay, basta. Kahit na, magsasalita ako ng Filipino.

Nag-Filipino ako sa tindero, at ang tindero naman ay nag-Ingles sakin.Bumili ako ng large cheesy fries.

Bakit siya hindi nagsasalita ng Filipino? Nagsasalita siya ng Bisaya, at marunong siya mag-Ingles ngunit kapag ako'y nagtatanong sa kanya gamit ng aming pambansang wika ay sasagutin niya ako gamit ng ibang wika? Hindi ba siya marunong magsalita ng Filipino? Nahihiya ba siya? Ayaw niya talaga?

Naalala ko dati na nasa Iligan ako, sinabi ng tito ko (sa Bisaya) sakin:

"Yohannah, magsalita ka ng Bisaya habang nandito ka."

"I don't know how." Sagot ko.

"Mag-Ingles nalang siya." Sabi ng isa kong tita. Nagulat ako diyan sa sinabi niya.

"Ba't 'di nalang Filipino?" Tanong ko.

Dahil daw nandito ako, kung hindi ako marunong mag-Bisaya, e 'di mag-Ingles nalang ako. Bawal Tagalog o Filipino.

... huh.

Kakaiba 'yan a.

Wednesday, October 5, 2011

Pagkagising sa umaga.. Hay.

*Ako si Aida. Isa akong biyuda, labandera at ina ng siyam na anak. Kasalukuyan akong nagsisikap na ibangon sa hirap ang aking pamilya. *

Hay.
Panibagong araw na naman. Pero bakit ganun, parang wala namang bago?
Ganoon pa rin ang aming bahay, gawa sa mga pinagtagpi-tagping mga yero't kahoy at walang kailaw-ilaw. Ganoon pa rin ang kama namin ng aking asawa (Panginoon mamayapa na sana siya sa Inyong piling), parang semento sa tigas at tila papel naman sa nipis. At ganoon pa rin ang laki ng aming bahay, kulang na lang magiba ito sa dami ng tao.
Hay.
Bakit ba kasi nanganak ako ng madami? Yan tuloy, siyam na bibig ang di ko mapakain. Anim na bata ang di ko mapag-aral, ang tatlo'y (salamat sa Diyos!) nakakaya ko pa naman pag-aralin. Siyam na bata ang kailangan ko patulugin. Siyam na bata ang kailangan ko bigyan ng pag-asa. At siyam na bata ang di ko mapagtuunan ng nararapat na pansin dahil sa hirap ng buhay. SIYAM. (Buti nga siyam lang eh. Yung kumare ko maglalabing-tatlo na anak niya.)
Hay.
Napakahirap talaga ng buhay.
Kailangan kong kumayod ng kumayod hangga't sa mabali na ang aking mga buto para lang kumita ng apat na raang piso sa isang linggo. Kulang na lang eh, hatiin ko katawan ko sa tatlo para trumiple din ang sahod ko mula sa paglalabandera para naman kahit papaano eh magkasya na ang pagkain namin sa isang buong araw. Para naman kahit papaano rin eh mabilhan ko sila ng mga bagong damit. Nagmumukha na kasing basahan damit ng mga anak ko, pwede na silang gawing pamunas ng mga mayayaman.
Hay.
Mga mayayaman, sana isa ako sa kanila. Sana may kotse rin ako para di na nakakapagod maglakad ng tatlong kilometro mula sa bahay namin hanggang sa pinagtatrabahuhan ko. Sana may malaking bahay din kami ng aking mga anak para naman makahinga't makagalaw kami ng maayos habang nasa bahay. Sana may selpon din ako at ang mga anak ko para madali kaming magkausap kahit na ako'y naglalaba. At sana marami rin kaming pera para mabili namin lahat ng kailangan namin at lahat ng gusto namin ng mga anak ko!
Naku, kung magkatotoo lahat ito, siguradong matutuwa ang mga anak ko, at masisiyahan na rin ako.
Hay.
Kaso imposible naman magkatotoo ang mga iyan eh.
Hanggang pangarap lang naman maaabot namin eh.
....
Buti na lang masarap mangarap.
....
....
....Pero hindi pala masarap mabuhay.

Panginoon ko, hanggang kailan ba kami mamumuhay ng ganito? Kailan kaya kami aahon sa hirap? Kailan ba namin matitikman ang matatamis naming pangarap?

Olivia Jan Louville D. Demetria IV-6  

Tuesday, October 4, 2011

Bagong Henerasyon.

Hindi mapagkakaila na malaki na ang ipinagbago ng aming henerasyon kumpara sa henerasyon ng aming mga magulang. Sinasabi ng iba na kami raw ang may kasalanan sa pagkasira ng mundo, o kaya naman, kami raw ang ugat ng mga mabibigat na suliranin sa lipunan. Marami ring nagsasabi na hindi raw namin binibigyang hustisya ang mga sinabi ni Rizal na "Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan". Nalaman ko ito sa mga balita, sa pagbasa ng mga blog, pati na rin sa pagsermon ng aking mga magulang sa akin. Sa katotohanan, dahil sa kadalasan nilang pagsabi ng "Alam mo, nung bata pa kami, hindi naman kami ganyan... Ginagawa namin 'yan pero hindi katulad ng paggawa niyo!", e naisaulo ko na ang kanilang dayalogong iyon.

Kamakailan lamang, e napagdiskusyunan namin sa aming klase sa Ingles ang iba't -ibang klase ng pag-ibig. At siyempre, isa na rito ang pag-ibig sa pamilya, at pag-ibig sa magulang. Sa diskusyong iyon, naibahagi ng isa kong kaklase ang isang kasabihan na nagsasabi na kung ano kami (ang kabataan ng kasalukuyan), ay dahil sa pagpapalaki at pagaalaga ng henerasyon ng aming mga magulang. Kumbaga, isinaad sa kasabihang iyon na ang aming mga magulang ang siyang may kasalanan kung bakit kami ganito kumilos, at kung bakit kami ganito mag-isip.Parang sinabi na rin doon na ang aming mga pagkakamali ay nagmula sa pagpapalaki sa amin ng mga magulang namin.

Nang nasambit ng aking kaklase ang katagang iyon, noong una, ay sumangayon ako sakanya. Naisip ko kasi na tama ang ideyang iyon. Hindi naman siguro na magiging kami kung sino kami ngayon kung hindi dahil sa mga nagturo saamin, hindi ba? Sila naman kasi iyong mga nagturo samin ng mga bagay bagay. Sinabi rin naman ng guro namin sa Ingles na may punto naman talaga ang ideyang iyon. Pero, alam niyo ba, noong makalipas na ang diskusyong iyon sa Ingles, e, parang nag-iba ang palagay ko sa ideyang iyon. Kung ating titignan kasi ng masmaigi, e, may bahagi rin naman kami sa mga nangyari sa mga pagkakamali nila.Naisip ko na hindi naman sa lahat ng pagkakataon, ay ang aming mga magulang ang dapat sisihin sa mga pagkakamali namin. Samakatwid, e, patas lang kami.

Masyadong nagambala ang pag-iisip ko ng ideyang iyon. Hanggang sa ngayon, naiisip ko parin iyon. Patuloy akong nakikipagdebate sa isipan ko ukol sa ideyang iyon. Pero, hindi ko na maidedetalye ang kwento ng debate sa aking isipan. Kaya, ngayon, kayo ang aking tatanungin, sa tingin ninyo, sinong henerasyon nga ba ang dapat na masmanagot sa nangyari sa bagong henerasyon? Ang masmatanda, o ang masbata?

Janna Angeline de Jesus (IV -6) 

Monday, October 3, 2011

Ang Katotohanan sa Akin, Hindi Ako Nahihiyang Sabihin


ni Lara Pamela H. Pomer

Lahat tayo'y dumaraan sa pagsubok at mga problema na maaring magdulot sa'tin ng iba't ibang karanasan, kakayahan at minsan rin namay kahinaan. Ang mga pangyayaring tulad nito na dulot ng ating mga pagkakamali o minsan ay ang katotohanan na umiikot sa mundo na walang madali, ay  nagpapalakas sa atin dahil ating napapagtanto na hindi maling magkamali kailanman. Karugtong nito ay ang nag-iisang taong hindi tayo kailanman pababayaan sa ating pagkakadapa.

Ako, bilang isang taong nabubuhay na ng mahigit labing-anim na taon, ay marami naring naging karanasan na magsasalamin sa kung ano ako ngayon. Madalas, nararamdaman kong malapit narin akong sumuko at mawalan ng lakas ng loob dahil sa sakit, hirap at kaguluhang dinudulot ng mga problemang nakikisabay sa pag-ikot ng aking buhay na hindi ko na kinakayang panghawakan dahil sa sobrang bigat at komplikado nito. Ngunit, aking naiisip na, mabuti rin namang may dumating na pagsubok sa akin. Maari kong makita ang mga kahinaan at kalakasan ko, na nagdudulot ng aking pagpapatuloy ng pananalig sa Panginoon at magkaroon pa ng mas malalim na pananampalataya sa Kanya. Kung ating iisipin, minsa'y ang labong pakinggan dahil nagagawa ko pang magpasalamat sa Panginoon dahil binibigyan Niya ako ng pagsubok na magbibigay ng malaking realisasyon sa akin at sa aking buhay. Madalas kong sinasabi sa aking sarili na "walang pagsubok na binibigay ang Panginoon na hindi ko kayang lampasan at lutasin dahil alam Niya ang aking kakayahan at kahinaan. Hindi Niya ako pababayaan".

Kung magkamali man ako, walang masama. Mas pinabubuti Niya ako dahill gamit ang mga pagkakamaling ito, natututo akong bumangon sa sarili kong paa. Magpagpag ng buhanging dumikit sa aking tuhid dulot ng pagkakadapa at ipakitang "Okay lang ako. Kaya ko pa". Sa lahat ng aking pagkakamali, natututo ako at nagkakaroon ng leksyon na magpapabuti kung sino ako at kung ano ang mga dapat gawin ko bilang isang taong may malalim na pananampalataya sa Panginoon. Walang taong hindi nagkakamali at walang aalinlangan kong inaaming isa ako doon.



Lara Pomer 09/03/11 11:11 PM

...

DRAFT: (ANIKKA ESPIRITU)
Sa panahon ngayon, ang mga kabataan ay hindi na gaano kagalang-galang katulad noon. Kapansin-pansin na ngayon ang mga kabataan ay binabalewala na lang ang kanilang mga magulang, dati rati'y bago umalis ng bahay ay magpapaalam ito kasama ang detalye kung saan pupunta at anong oras uuwi. Mayroon pa ngang tinatawag na "curfew" at dito binabase kung anong oras ka dapat nasa bahay na. Dati rati'y rin ay bago dumating ay diretso agad sa kanilang mga magulang, lolo't lola at iba pang kamaganak para magbeso lalo't lalo na kung may importanteng pagpupulong na magaganap. Ito ay isang simbolo ng pag-galang at pagrespeto sa nakakatanda. Sa kasalukuyang panahon ang mga kabataan ay nawawalan na ng respeto sa nakakatanda, hindi na nagpapaalam umaalis na lang, hindi umuuwi ng oras na isinabi ng magulang at higit pa doon paminsan ay nagdadabog at nagagawa pang lumayas ng walang paalam ang mga kabataan. Hindi natin masisiyasat ng isa isa kung bakit ganoon ang nangyayari ngayon ngunit isa sa mga rason ng epekto nito ay ang pagkabago ng teknolohiya at ekonomiya ng buong mundo. Masasabi natin na nawawala na o tuluyan na nabubura ng dahan-dahan ang mga nakaraan na ugali at kagawian. Hindi rin naman ako nagsasalita ng tapos sapagkat may pagasa pa ang ating kinabukasan, laging may maganda pang hinaharap ang ating natatanaw sa huli.

Google Translate by Monse Alfaro


I love my country.
Mahal ko ang aking bayan.

I want to shout it out to the whole world.
Gusto ko itong isigaw sa buong mundo.

But,
Ngunit,

I cannot express it properly in words – in a language –  that matters.
Hindi ko ito kayang ipahayag nang maayos sa gamit ng mga salita – sa gamit ng wika – na may halaga.

What is there to love about my country? Jose Rizal says it in so many words, but I will express it in one: everything.
Ano ba ang dapat mahalin sa aking bansa? Inilahad ito ni Jose Rizal sa napakaraming salita, ngunit ipapahayag ko i to sa isang salita: lahat.

Mahal ko ang Pilipinas, ang kanyang mga yamang lupa at ang mga taong naninirahan dito. Nasasarapan ako sa simoy ng hangin at sa tinig ng tumitilaok na tandang tuwing umaga. Napapangiti ako sa mga ibong naghahabulan sa mga sanga ng puno, at sa mga kabataang naglalaro sa lilim ng mga malalapad na dahong manga.

Namamangha ako sa mga batang masasayang naglalaro kahit na ang kanilang paligiran ay nakabaon sa dumi ng baha; sa mga nanay na matiyagang naglalaba habang nakayakap sa isang sanggol; sa mga tatay na walang-tigil na nagsisikap para sa kaniyang mga anak; sa mga kapatid na handing maglingkod; at, na sa kabila ng kahirapan at kagutuman, nagagawa parin ng mga pamilya na walang-dudang magdasal at magmahal kay Hesus Kristo, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at ang Paginoon.

Mahal ko ang aking buong bansa. Mahal ko ang lahat ng mga bagay tungkol sa aking bansa.

But,
Ngunit,

I cannot express all these fluently, properly, in the only language that matters.
Hindi ko kayang ipahayag ang lahat na ito nang maayos sa wikang tanging may halaga.

Society – education, business, daily life – has robbed me of the ability of learning it.
Ang lipunan – edukasyon, pagnenegosyo, ang araw-araw na buhay –  ay ang nagnakaw sa akin ng kakayahang matuto.


"We don't need to use Filipino in business."
"We don't speak Tagalog when we're in the boardroom."
"English is the universal language. It is the language you'll need to learn to succeed. It is the only language you'll need."

Sa ibang salita:
"Hindi na namin mahal ang aming wika."


Now,
Ngayon,

Even if I don't want to,
Kahit na't -- sa totoo lang -- talagang ayaw ko --

I can only rely on Google Translate.
-- ako’y umaasa nalang sa Google Translate.

Tone-toneladang Tubig


                Napapadalas na ang pagdaan ng bagyo sa aming lugar. Ilang araw na rin ang nakalipas mula noong nakagamit ako ng kompyuter para makapaglaro ng Farmville sa fb ko. Wala kasi kaming kuryente kaya hindi gumagana ang TV, Xbox, at maski cellphone ay walang na ring charge. Siguro namatay na lahat ng pananim ko. Maghahanap nanaman ako ng pera para buhayin sila. Kamusta na kaya mga kaibigan ko? Lumevel-up na kaya sila? Siguro naunahan na ako ng mga iyon sa paghahanda para sa patimpalak sa pagitan ng mga facebookers na nagpapalakihan ng mga pakwan. Napaka-hungkag ng buhay ko ngayon. Wala akong ginawa kundi dumungaw mula sa bintana ng aming condominium. Akala ko pa naman ay masisiyahan ako dahil ilang araw na ring wala klase pero mas nakalilibang pala sa eskuwelahan kaysa sa bahay kung saan wala kang ginagawa. Pagdumungaw ako sa bintana ang nakikita ko lamang ay ang maputik na tubig na rumaragasa na parang ilog sa mga kalye ng aming lugar. Ang rami ngang mga taong lumalangoy kasama ng mga alon ng tubig. Siguro mayayaman ang mga taong iyon kasi nabalitaan ko noon na malaking pera ang ibinabayad ng mga artista sa putik na pampaputi umano sa kanilang mga makikinis na kutis. Tinanong ko si ina kung bakit may malaking paliguan sa labas at kung may bayad ba ang paggamit dito kasi kung wala ay makikisali na ako. Biro niyo, ang  mamahaling putik ay hindi lamang timba-timba sa rami sa harap ng aming kinatitirikan kundi mga tone-tonelada. Hindi nagsalita ang aking nanay. Namangha siguro siya sa naisip ko na paraan para magpaganda. Ngumiti lang sa akin si inay tapos tumulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Tinanong ko kung bakit siya umiiyak ngunit hindi pa rin nagsalita si inay. Niyakap lang niya ako ng mahigpit na mahigpit sabay halik sa aking noo. Bakit kaya nalulumbay si inay? Mayroon ba akong nasabing mali?

Maria Mahusay IV- 6

PG

Alam niyo ba ang ibigsabihin ng PG?

Patay Gutom. Pwede na rin palang PARATING gutom.

Ako yun eh. Itong tiyan ko talaga na 'to, oo. Fishball, Kikiam, Squidballs...Tanghalian ko yun kanina.

Alam niyo kasi, sa panahon ngayon, talagang masisipag ang mga tao kaya parating madalian at mura lang ang mga pagkaing binibili. Pwede din namang magJollibee. Kaso medyo masmatagal dun kumain.

Uso din ngayon mga pangsosyal na pagkain. Yun nga lang medyo masakit sa bulsa. Tulad nalang nung...ano ng aba tawag dun..Bonjon? Ay. Bonchon daw. Pasensya na ho. Medyo gutom lang. Uso daw dun manok. Lutong Korean. Masarap daw. Di ko pa natitikman. Dun kaya ako maghapunan...

Meron din naman Chatime. Eto naman Chinese Milk Tea. Masarap yun. Paborito ko. Kaso di din naman ako ganun kayaman...kaya next time nalang. Pagnagmura na.

Ay nako, lalo na yung Starbucks. Kape lang ang binebenta nila dun pero sa lagay na yun, milyonaryo na siguro yung pagmamay-ari nun. Eh kung magbayad ka naman ba ng 200 piso para lang sa isang baso ng kape. San ka pa? Diba?

Ako? Sa lagay kong 'to. Pulubi. Ngunit kailangan ko din naman 'to. Mahirap magising sa gabi lalo na't kailangan ko yung perang pangkain.

Kung mahilig ka naman sa mga matatamis. Banapple ang para sayo. Madaming mga cake dun. Nakow, ang tamis. Sobrang tamis, pati bulsa mo lalanggamin. Pero grabe naman talaga sa sarap. Di yung pera mo. Yung pagkain. Dapat masubukan niyo yung Banoffee pie nila. Sobrang sarap, makakalimutan mo pangalan mo.

Kung malapagkaing kanto talaga kayo at malapagkaing Pilipino, meron rin ngayon yung Banchetto. Dun nabibigyan ng mga pagasang makapagsimula ang mga negosyanteng gustong magtayo ng maliliit na kainan. Dun mga masmurang bersyon ng mga Bonchon, Chatime...mga ganun.

Ay. Nakalimutan ko magmeriyenda. O sige. Mauna na nga ako. Yung tiyan ko, nagrereklamo na. Dumaan daw kami sa Chatime at Starbucks. O siya, kitakits nalang sa bangketa este Banchetto!

Isinulat ni Sheona Kelsey D. Aboy. Galing po ako sa 4-6.

Sunday, October 2, 2011

Ang buhay internet ni Bela Cruz

Para sa isang kabataan sa kasalukuyang panahon, maayos pa rin kung mawala ang kuryente, cable, telefono, tubig basta pwede pa rin nilang gamitin ang kanilang mga cellphone o laptop para mag-Facebook at Twitter. Mas kaunti ang mga batang nag-lalaro ng tumbang preso, luksong baka, taguan at kung ano pa man. Ngayon, mas patok ang mga online games katulad ng Farmville, Pet Society at Mafia Wars. Minsan, kahit sobrang magkalapit ang mga miyembro ng isang pamilya sa bahay nila, mas pinipili nilang mag-iwan ng "message" sa "wall" ng gusto nilang kausapin kaysa lumingon at sabihin na lang. Minsan kahit wala talagang ginagawa ang mga kabataan ngayon, hindi pa rin nila maiwan ang kanilang mga Newsfeed.Tila bawat segundo may nangyayari sa buhay ng mga kakilala nila. Baka kung iiwanan nila ang kompyuter o cellphone nila baka mag-post ang kaibigan nila na kumain sila ng saging o di kaya "nagluto" sila ng cup noodles. Kung hindi nila alam na nangyari 'yun baka mamatay sila sa jologs at pagka-OP sa susunod na araw. Kung hindi nila i-lilike ang mga litrato ng mga kakilala nila baka masira ang magandang relasyon nila sa kakilala nila. Kung hindi sila mag-comment baka sabihin ng mga iba na hindi sila pinapansin ni Person X at nagiging "snob" na siya. Mahirap mamuhay sa internet. Maraming mga hindi pagkaka-intindi ang sumisibol dahil sa mga maliliit na bagay tulad ng capitalization, pag-gamit ng emoticons at kung ano pa man. Hindi parating laro lamang ang nangyayari sa internet. Minsan, dito inilalabas ng mga tao ang kanilang galit. Dito, nag-aaway ang mga tao tungkol sa mga bagay-bagay na karaniwan hindi importante. Dito nakikipag-landian ang mga babae't lalaki. Dito rin sila nakikipag-break. Dito nangyayari ang buhay ng isang tao, ngunit minsan, ang kapalit para sa isang pekeng buhay o "online persona" ay ang totoong buhay ng isang tao.